Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo salayong 400 kilometro Kanluran Timog-Kanluran ng Coron, Palawan.
Taglay na nito ngayon ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 kilometro bawat oras.
Mabagal ang pagkilos ng bagyo sa direksyong Silangan Timog-Silangan at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa araw pa ng Sabado.
Inaasahang lalakas pa ang bagyo at magiging Severe Tropical Storm at posibleng magtaas ng tropical cyclone warning signals ang PAGASA kahit hindi ito tatama sa kalupaan.
Ngayong araw, dahil sa trough ng Tropical Storm Quiel, nakararanas ng mahihina hanggang katamtamang at paminsan-minsan ay may kalakasang mga pag-ulan ang Zambales, Bataan, Palawan, Mindoro Provinces at Western Visayas.
Ang frontal system naman ay nakakaapekto sa buong Northern Luzon na nakararanas din ng mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Gaganda na ang panahon sa Metro Manila, Bicol Region, CALABARZON, mga lalawigan ng Aurora at Quezon.
Sa nalalabing bahagi ng Visayas at buong Mindanao, inaasahan ang maalinsangan panahon ngayong araw.
Samantala, nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng mga sumusunod na lugar:
– Batanes
– Babuyan Islands
– Northern coast ng Cagayan
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– La Union
– Pangasinan
– Zambales
– Bataan
– Occidental Mindoro kasama ang Lubang Islands
– Palawan