Satisfaction rating ng Duterte admin sa Q3 bumaba ayon sa SWS

Bumaba ang net satisfaction rating ng national government para sa third quarter ng taon batay sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas Miyerkules ng gabi.

Mula sa ‘excellent’ na +73 nitong June, bumagsak sa +67 na nasa kategoryang ‘good’ ang net satisfaction sa Duterte admin.

Batay sa survey, 77% ng adult Filipinos ang nasisiyahan sa pamamalakad ng administrasyon, 11% ang hindi tiyak kung nasisiyahan o hindi at 10% ang hindi nasisiyahan.

Ayon sa survey, bumaba ang overall net satisfaction sa Duterte admin ng 10 puntos sa Mindanao, 10 puntos sa Balance Luzon at 1 punto sa Visayas.

Tumaas naman ng 12 puntos ang net satisfaction sa Duterte admin sa Metro Manila.

Pinakamataas na grado ang nakuha ng administrasyon sa pagtulong sa mahihirap, pagbibigay ng impormasyon na kailangan ng mga mamamayan para suriin nang mabuti ang ginagawa ng gobyerno, at pagkakaroon ng malinaw na patakaran.

Isinagawa ang survey noong September 27 hanggang 30 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,800 Filipino adults sa buong bansa.

Narito ang net satisfaction rating ng mga Filipino sa pamamalakad ng Duterte admin sa mahahalagang isyu.

• +49 (Good) Paglaban sa terorismo
• +40 (Good) Pakikipag-ugnayan sa mga rebeldeng Muslim upang ang mga ito ay magbalik-loob sa pamahalaan
• +38 (Good) Pakikipag-ugnayan sa mga rebeldeng komunista upang ang mga ito ay magbalik-loob sa pamahalaan
• +62 (Very Good) Pagtutulong sa mga mahihirap
• +5 (Neutral) Paglalaban sa pagtaas ng presyo
• +28 (Moderate) Paniniguro na walang pamilyang kailanman ay magugutom at walang makain
• +48 (Good) Pagpapaunlad ng isang masiglang ekonomiya
• +39 (Good) Pakikipag-ugnayan sa ibang bansa
• +32 (Good) Pagpupuksa ng katiwalian at pangungurakot sa gobyerno
• +30 (Good) Pagtatanggol sa kasarinlan ng Pilipinas sa West Philippine Sea
• +30 (Good) Pagbabawi ng mga yamang kinurakot ng dating Pangulong Marcos at ng kanyang mga kroni
• +47 (Good) Pangangalaga sa karapatan ng pamamahayag
• +44 (Good) Pagkilos batay sa kagustuhan ng mga tao
• +53 (Very Good) Pagkakaroon ng malinaw na patakaran
• +54 (Very Good) Pagbibigay ng impormasyon na kailangan ng mga mamamayan para suriin ng mabuti ang ginagawa ng gobyerno
• +43 (good) Paglalaban sa mga krimeng bumibiktima sa ordinaryong mamamayan tulad ng pagpatay, holdap, pagnanakaw, pananakit na pisikal, atbp.

Read more...