P2.7-M halaga ng shabu, nasamsam sa Pasay City; 3 timbog
Nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit P2.7 milyong halaga ng ilegal na droga sa buy-bust operation sa Pasay City, Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Joel Plaza, direktor ng PDEA-National Capital Region, ikinasa ang operasyon sa isang gas station sa southbound area ng EDSA sa Barangay 144.
Naaresto aniya ang tatlong drug suspects matapos magkaroon ng negosasyon ang mga ito sa ilang PDEA agent na nagsilbing poseur buyer sa operasyon.
Nakilala ang mga suspek na sina Christian San Ramon De Luna, 19-anyos; Marvin Florendo Samoranos, 21-anyos; at John Christopher Oliveros Macawili, 20-anyos.
Nakuha sa tatlo ang apat na pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 400 gramo. Nagkakahalaga ang kontrabando ng P2,720,000.
Maliban dito, nakuha rin sa mga suspek ang isang Yamaha NMax motorcycle, dalawang analog-type cell phones at ginamit na buy-bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 ng Article 3, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.