Halos hindi kumilos ang Tropical Storm Quiel sa bahagi ng Palawan, ayon sa PAGASA.
Sa 5:00 advisory, sinabi ni PAGASA weather specialist Ana Clauren na huling namataan ang bagyo sa layong 455 kilometers West Northwest ng Coron, Palawan bandang 3:00 ng hapon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometers per hour.
Sa nakalipas na walong oras, halos hindi aniya kumilos ang bagyo.
Nakararanas naman aniya ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan bunsod ng tail-end of a cold front.
Dahil dito, asahan na aniya na ang maulap na himpapawid na may kalat-kalat na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon.
Sa Biyernes ng gabi (November 8) o Sabado ng madaling-araw (November 9) ay posible nang kumilos ang bagyo pa-Kanluran at tuluyan nang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Tiniyak pa ni Clauren na hindi magla-landfall ang bagyo sa anumang parte ng bansa.
Samantala, isa pang bagyo ang binabantayan ng weather bureau sa labas ng bansa.
Huling namataan ang Typhoon Halong sa 2,975 kilometers East ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 215 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 265 kilometers per hour.
Mabagal din ang pagkilos nito sa direksyong Hilaga.
Sinabi ni Clauren na malabo pa ring pumasok ng PAR ang bagyo.