Panukala para mabigyan ng P25K ang bawat mahihirap na sanggol na kanilang magagamit pagsapit ng edad na 18, lusot na sa komite ng Kamara

Aprubado na sa House committee on Higher Education ang panukalang Universal Capital for Higher Education.

Layon ng House Bill 1219 na inihain ni Albay Rep. Joey Salceda na matiyak na merong panggastos ang lahat ng Filipino sa pagko-kolehiyo.

Sa ilalim nito, maglalaan ang gobyerno ng P25,000 na treasury bonds para sa bawat sanggol na ipanganganak mula sa mahihirap na pamilya na maaari nilang makuha pagsapit ng edad na 18.

Sa pagtaya ni Salceda, aabot na sa P150,000 ang nasabing halaga makaraan ang 18 taon.

Hahatiin ito sa apat na releases sa mga benepisyaryo na pwede nilang magamit sa gastusin sa paaralan, sa kondisyong pagsapit ng 18 years old ay naka-enroll ito sa kolehiyo, at kabilang pa rin ang estudyante sa mahihirap na pamilya.

Ipinaliwanag ng kongresista na sa kabila ng Universal Access to Tertiary Education ay marami pa ring kabataang Pilipino ang hindi nabibigyan ng pagkakataong makapag-kolehiyo dahil sa kahirapan.

Read more...