Albayalde pinababasura sa DOJ ang kaso laban sa kanya
Hiniling ni dating Philippine National Police Chief (PNP) chief General Oscar Albayalde sa Department of Justice (DOJ) na ibasura ang kaso na isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa kanya.
Ang reklamo ay kaugnay ng umanoy pagkakasangkot ng dating PNP chief sa tinatawag na ninja cops na sinasabing nag-operate sa drug raid sa Pampanga noong 2013 kung kailan si Albayalde ang provincial director.
Sinabi ni Albayalde sa DOJ na iregular at hindi patas ang inamyendahang reklamo laban sa kanya.
Katwiran ng heneral, adopted lamang ang DOJ amended complaint sa alegasyon sa kanya noong 2014 na anyay ibinasura na.
“I was never charged in the previously dismissed complaint-affidavit. My name was never ever mentioned — not even once — in the previously dismissed complaint-affidavit. How then can I respond to something that does not mention my name, much less impute any act or omission against me,” ayon kay Albayalde.
Dagdag ni Albayalde, nakaladkad lamang ang kanyang pangalan sa imbestigasyon ng Senado kung saan ang mga testigo ay ni-reject na ng DOJ sa resolusyon ng ahensya noong 2014.
Kinuwestyon din ni Albayalde kung bakit ngayon lamang inilutang ni retired Brig. Gen. Rudy Lacadin ang umanoy kanyang pahayag na maliit lamang ang nakuha niya sa Pampanga drug raid.
Binanggit pa ng heneral ang pagbabago ng pahayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino na unang nagsabing tumawag umano si Albayalde kaugnay ng status ng kaso ng mga pulis Pampanga pero kalaunan ay sinabi nitong hinarangan umano ng dating PNP chief ang dismissal order laban sa ninja cops.
Paliwang pa ni Albayalde, hindi siya pwedeng kasuhan ng paglabag sa Revised Penal Code dahil bigo ang complainant na patunayan na may papel siya sa kaso ng dati nitong mga tauhan sa Pampanga.
Itinakda ng DOJ ang preliminary investigation sa November 11.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.