14th month pay ng mga opisyal ng DOTr, ido-donate sa mga biktima ng lindol sa Mindanao

Nag-ambagan rin ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) para tulungan ang mga biktima ng serye ng malalakas na lindol sa Mindanao.

Nagkasundo ang undersecretaries, assistant secretaries at mga pinuno ng attached agencies ng DOTr sa pangunguna ni Transportation Sec. Arthur Tugade na boluntaryong i-donate ang kanilang 14th month pay sa pamamagitan ng Du30 Cabinet Spouses Association, Inc.

Ayon kay Tugade, ang ideyang ito ay lumabas sa talakayan para sa magiging pagtugon ng ahensya sa pangangailangan ng mga nilindol na lugar.

Winasak rin ng malalakas na lindol ang maraming kalsada at iba pang mga imprastraktura sa rehiyon.

Pero sabi ng kalihim, mas dapat unahin ngayon ang pangangailangan ng mga residente gaya ng pagkain, inumin, kuryente at ligtas na matitirhan.

Binigyang diin ni Sec. Tugade na hindi importante kung gaano kalaki ang maiambag dahil ang mahalaga ay pairalin ang diwa ng pagtulong sa kapwa lalo na sa panahon ng kalamidad.

Read more...