NCRPO aminado na bantay-sarado ang galaw ng mga lider ng CPP-NPA sa Metro Manila
Inamin ng liderato ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakatutok sila sa pagbabantay sa galaw ng mga communist leaders sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagsalakay ng mga tauhan ng NCRPO sa tanggapan ng Bayan sa Tondo, sa Maynila kaninang madaling-araw.
Sa nasabing raid ay nakakumpiska ang mga pulis ng ilang mga baril at bala ayon kay NCRPO Director Debold Sinas.
Bago ang raid sa Maynila, noong October 31 ay sinalakay rin ng mga tauhan ng militar at pulisya ang mga opisina ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kilusang Mayo Uno (KMU), Anakpawis, at Gabriela sa Barangay Bata, sa Bacolod City.
Umaabot sa 40 katao ang kanilang inaresto kung saan ay nakuha rin mula sa kanila ang ilang mga baril, granada, mga bala at mga subersibong dokumento.
Kadalasan umanong nagpapanggap na mga kasapi ng militanteng grupo ang mga rebelde.
Kumpara sa mga rebelde sa mga kabundukan, mas gusto umano ng mga lider-komunista na manatili sa mga lungsod dahil sa takot sa mga operasyon ng militar.
“Since it’s the center, ‘yung mga leaders ay nandito. We are expecting it naman. Wala naman sa bundok ‘yung mga leaders. Nasa city ang mga leaders. Takot lang n’yan pumunta sa bundok,” ayon kay Sinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.