Ipinag-utos na ni Pangulong Benigno Aquino III na pag-aralan kung pwedeng gawing P500 na lang ang dagdag sa buwanang SSS pension sa halip na P2,000.
Matapos ulanin ng kaliwa’t kanang batikos dahil sa pag-veto sa P2,000 SSS pension hike, sinabi ni PNoy na ikinukunsidera niya kung pwedeng itaas ng limang daang piso ang pensyon.
Sa isang event sa Bulacan ay sinabi ng pangulo na pinasisigurado niya sa mga ahensya ang computation upang matukoy kung kakayanin ba ng pondo ng SSS ang dagdag na P500 sa buwanang pension ng mga retirees.
“May chance ngayon, pwede ako magpapogi…pero tama ba ‘yun, dalhin ko ang sambayanan sa ikakapahamak nila?,” pahayag ng pangulo.
Sa hiwalay na talumpati, sinabi ng pangulo na responsibilidad niya na gawing prayoridad ang mga programa na pakikinabangan ng karamihan.
Maari aniyang ‘heartless’ o walang puso ang tingin sa kaniya ngayon ng nakararami dahil sa ginawa niyang pag-veto sa panukalang batas para sa pension hike, pero kung aaprubahan niya umano ang batas at tuluyang malulugi ang SSS ay tatawagin naman siyang ‘careless’.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.