Maagang tinapos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagbisita sa Thailand at hindi na dinaluhan pa ang dalawang huling events ng 35th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit and related meetings.
No-show ang pangulo sa 3rd Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) summit at ASEAN closing ceremony araw ng Lunes.
Batay sa schedule ng pangulo, nakatakda niyang daluhan ang mga ito bago bumalik ng Pilipinas Lunes ng gabi.
Gayunman, sina Trade Secretary Ramon Lopez at Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr. na ang dumalo sa RCEP Summit at ASEAN closing ceremony.
Sa mga larawang ibinahagi ng PCOO Global Media Affairs, makikita ang send-off party para kay Duterte bago ito tumungo sa Don Mueang International Airport sa Bangkok.
Wala pang pahayag ang Palasyo ng Malacañang ukol sa pagbabago sa schedule ng pangulo.
Pinakahuling nilahukan ng presidente ay ang 22nd ASEAN-Japan summit kung saan kinilala nito ang malaking kontribusyon ng Japan sa pag-unlad ng Southeast Asian region.
Bago naman ang 22nd ASEAN-Japan Summit ay nakapulong ni Duterte si Prime Minister Shinzo Abe.