Año: Albayalde pwedeng nasibak dahil sa ‘command responsibility’

Kung hindi bumaba sa pwesto, maaaring nasibak sa pwesto si dating Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde dahil sa command responsibility.

Pahayag ito ni Interior Secretary Eduardo Año kaugnay ng isyu sa ninja cops bunsod ng kwestyunableng drug raid sa Pampanga noong 2013 noong si Albayalde ang police regional director sa lalawigan.

Ayon kay Año, pwedeng nasibak sa pwesto si Albayalde base sa doktrina ng command responsibility kung nanatili pa ito sa posisyon at hindi nagbitiw noong October 14 bago ang nakatakda nitong retirement sa November 8.

Sagot ito ng kalihim sa tanong kung sasampahan pa rin ba ng kasong administratibo si Albayalde kahit magretiro na ito.

“Probably because of command responsibility, it follows that he has to be relieved,” pahayag ni Año.

Nadawit si Albayalde sa isyu ng drug recycling matapos mabunyag sa imbestigasyon ng Senado na nagkaroon umano ito ng SUV matapos ang operasyon sa Pampanga at sinasabing nakialam sa kaso ng mga ninja cops, bagay na mariing itinanggi ng dating PNP chief.

 

Read more...