Sa isang pahayag araw ng Linggo, sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na maaari nang ibenta at dalhin muli sa lalawigan ang canned goods at processed pork products basta’t ang mga ito ay awtorisado ng Food and Drug Administration (FDA) at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno.
Inilabas ang Executive Order No. 34 na nagtatanggal sa ban matapos ang konsultasyon sa Departments of Agriculture (DA), Interior and Local Government (DILG) at Trade and Industry (DTI).
Tinawag namang ‘false at imaginary’ ni Remulla ang alegasyon ng hog raisers na maaaring magdala ng African Swine Fever (ASF) ang processed meat sa mga baboy.
Ani Remulla, parehong nagkumpirma ang World Organisation for Animal Health (OIE) at Bureau of Animal Industry (BAI) na kapag niluto ang karne sa temperaturang 70 degrees Celsius sa loob ng 30 minuto ay namamatay ang virus kaya’t hindi na ito kakalat pa.
Sa ilalim ng EO 34, ang naalis lang sa ban ay ang bentahan at distribusyon ng processed pork products at hindi ang transportasyon ng mga buhay na baboy at sariwa at frozen na karne maliban na lamang kung dumaan sa inspeksyon ng BAI o ng National Meat Inspection Service (NMIS).
Samantala, ipinagbabawal din sa ilalim ng EO ang pagbebenta o pagbibigay ng mga establisyimento ng tira-tirang pagkain sa mga hog raisers.