Ayon sa 6pm situation report (Nov.3) ng NDRRMC, namatay ang isang babae na una nang napaulat na nasugatan.
Nakilala ang quake victim na si Melecia Jamero Siega, 67 anyos, mula sa Brgy. Buena Vida, Makilala, Cotabato.
Batay sa ulat, nabagsakan ng debris si Siega matapos ang magnitude 6.5 na lindol noong Huwebes, October 31.
Bukod sa 22 nasawi, 432 naman nagtamo ng injury at nananatili sa dalawa ang nawawala.
Umakyat pa sa 28,951 ang bilang ng nasirang imprastraktura kung saan 21,029 ang totally damaged at 7,922 ay partially damaged.
Samantala, sinabi rin ng NDRRMC sa ulat na nakapagbigay na ang Departments of Health (DOH), Social Welfare and Development (DSWD) at Office of Civil Defense ng aabot sa P24.3 milyong halaga ng ayuda sa quake victims.