“Tulungan ang 3.2M kabataang nilindol sa Mindanao” sa ‘WAG KANG PIKON!’ ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo November 03, 2019 - 03:17 PM SHARE(S):

Habang patuloy ang mg aftershocks matapos ang tatlong malalakas na lindol noong Oct. 16, 29 at 31, isang “humanitarian crisis” ang namumuo sa mga nasalantang lugar. Maraming bata ang nakakalat ngayon sa mga highway para manghingi ng tubig, pagkain o tarpaulin mula sa mga motorista. Karamihan ay nakatira sa mga “tents” sa tabi ng highway matapos silang lumikas mula sa mga bundok. Maging “water systems” at pagkukunan ng kanilang mga pagkain ay nasira dahil sa mga landslides. Mabuti na lamang at merong mga magagandang loob na taong wala ring tigil sa pagbigay ng donasyon. Pero, ito’y kulang na kulang kung walang malawakang pagkilos ang gobyerno lalong lalo na sa kalagayan ng mga bata.

Sa ngayon, higit 3.2 milyong mga kabataan ang direktang apektado ng patuloy na lindol sa Mindanao,at 1.9 milyong estudyante ang walang pasok dahil nasira ang kanilang mga bahay, eskwelahan at ang mga magulang ay nawalan ng hanapbuhay. Marami sa mga bata ay nagkaroon na ng matinding “trauma” dahil sa tuluy-tuloy na “aftershocks.”

Isang estudyante, si Jessie Riel Parba, 15, at Grade 9 sa Kasuga National high school sa Magsaysay, Cotabato ay namatay nang tamaan ng bloke ng semento sa fire exit ng naturang eskwelahan. Isang kamatayan sa loob mismo ng eskwelahan na nagdudulot ng takot sa bawat mag-aaral at magulang. Dito, inasahan natin ang tulong ng Mayor at Congressman para sa pagpapalibing sa bata, pero naniniwala ako na dapat magkaroon ng “just compensation” ang pamilya dahil namatay ito sa loob ng “eskwelahan” kung saan, “depektibo” ang fire exit. Hindi naman siguro mamasamain ng “contractor” ng nasirang paaralan na “bayaran” ang pamilya ng biktima.

Dito masusubok ang “emergency services” ng gobyerno. Maraming mga local governments ang nagdeklara na ng “state of calamity” upang magkaroon sila ng pondo para tulungan ang mga nasalanta. Pero, merong mga bayan na hindi agad nakatulong ang mga “first responders” dahil sila mismo ay nawalan o nasiraan ng bahay tulad sa bayan ng Makilala. Nakita na natin ang sitwasyong sa Yolanda, kung saan “wiped out” ang mga “first responders” pero kailangan pa rin ng mas mabilis na reaksyon.

Mabagal ang tanggapan ni NDRMMC executive director Ricardo Jalad at ng buong “disaster response apparatus” ng gobyerno. Maging ang pagtalaga kamakalawa kay Defense Sec. Delfin Lorenzana ng Malakanyang bilang pinuno ng “relief efforts” ay atrasado bagamat kumikilos naman at coordinated ang aksyon ng AFP, PNP, DOH, DPWH at DSWD. Pero, ang pangunahing pangangailangan ay pagkain, at tubig ng mga biktima ng lindol.Wala silang makain at mainom. Bawat batang namamalimos sa mga highway ay merong pamilyang umaasa na mabibigyan ng tulong ng mga tao lalo na ng gobyerno.

Sa totoo lang, hindi ko rin maintindihan kung bakit ang mga media companies tulad ng ABS-CBN, GMA7 at malalaking publications ay hindi ganoon kasidhi ang pagtulong sa mga nasalanta maliban sa kanilang regular na mga “segments” sa newscasts o pahayagan. Nagtataka rin ako sa mistulang “regular disaster coverage” lamang ang kanilang “treatment.” Dahil ba maliit lang ang mga casualties? May problema ba sa sitwasyon sa Mindanao, lalo’t ito’y nasa ilalim ng “martial law,” kaya’y Duterte country, kayat maingat ang mga media companies?

Bakit nga ba?

TAGS: humanitarian crisis, lindol, Mindanao, humanitarian crisis, lindol, Mindanao

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.