Labing-apat ang sugatan sa sunog sa Tacloban City na tumupok sa 35 na mga bahay araw ng Sabado.
Sumiklab ang sunog alas 11:10 ng umaga sa isang seawall area sa Barangay 37.
Karamihan sa mga nasugatan ay nagtamo ng hiwa at minor burns.
Ayon kay City Fire Office investigator FO3 Jonald Lace, hindi pa batid ang dahilan ng sunog na nagsimula sa dalawang palapag na bahay na ginagamit na boarding house.
Pero sinabi ni Barangay Kagawad Cris Abadines na base sa kwento ng mga kapit-bahay, posibleng galing ang sunog sa napabayaang rice cooker nina Rex Abuya at Marvin Lucas.
Itinanggi naman ng dalawa na gumagamit sila ng rice cooker pag-alis nila ng boarding house.
Kabilang sa mga nasugatan si Aldren Ocado na nagtamo ng first-degree burns.
Sinabi naman ni Rosanna Galangue na naglilinis siya ng kanyang bahay nang marinig ang sigaw na sunog ng mga kapitbahay.
Habang papunta sa sementeryo si Olive Solayao para bisitahin ang kanyang mga mahal sa buhay nang magkasunog.
Kasama sa bahay ni Solayao ang ina nitong si Marina, 65 anyos; kapatid na sina Emilyn, 38 anyos at Erwin, 42 anyos at kanyang anak na si Lyka Mae.
Sa ngayon ay nanunuluyan ang mga residenteng nasunugan sa barangay hall at binigyan ng foods packs ng City Social and Development Office.