Purisima, pinasisibak na ng Ombudsman

alan-purisima
Inquirer file photo

Pinasisibak na sa pwesto ng Ombudsman si resigned PNP Chief Alan Purisima at sampung iba pang opisyal ng pulisya kaugnay ng maanomalyang kontrata na pinasok ng PNP.

Sa limampung pahina na consolidated decision, iniutos ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang dismissal sa pwesto ni Purisima na una nang pinatawan ng anim na buwang suspensyon dahil sa irregular na courier service contract sa Werfast noong 2011.

Ayon sa Ombudsman, nakitaan nila ng substantial evidence para papanagutin si Purisima at mga PNP officials.

Pinasisibak din ang mga opisyal ng PNP na sina Chief Supt. Raul Petransanta, Chief Supt. Napoleon Estilles, Sr. Supt. Allan Parreño, Sr. Supt. Eduardo Acierto, Sr. Supt. Melchor Reyes, Supt. Lenbell Fabia, Chief Insp. Sonia Calixto, Chief Insp. Nelson Bautista, Chief Insp. Ricardo Zapata Jr., at Sr. Insp. Ford Tuazon.

Ayon sa Ombudsman, ang mga opisyal ay liable sa grave misconduct, serious dishonesty at grave abuse of authority.

Bukod sa dismissal sa serbisyo, si Purisima at ang mga opisyal ay walang makukuhang retirement benefit, kanselado ang eligibility, bawal nang kumuha ng Civil Service exam at diskwalipikado na muling magtrabaho sa gobyerno.

Nag-ugat ang kaso sa magkahiwalay na reklamo noong 2014 ng indibidwal na si Glenn Gerard Ricafranca at ang fact-finding investigating Bureau ng Office of the Deputy Ombudsman for the military and other law enforcement offices kaugnay ng accreditation ng Werfast bilang provider ng courier services para sa renewal ng lisensya ng mga baril. – Isa Avendaño-Umali/Len Montaño

Read more...