Nakatakdang talakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kapwa lider nito ang isyu ukol sa West Philippine Sea at ang kalakalan sa rehiyon kasabay ng 3 araw na 35th Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit sa Thailand.
Sinabi ng Palasyo na nakatakdang isulong ng pangulo ang maagang pagkakaroon ng Code of Conduct (COC) sa South China Sea.
Tatalakayin din ng pangulo ang pagtugon sa mga banta sa seguridad gaya ng terorismo, drug trafficking at iba pang transnational crimes.
Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, pipilitin ng Pilipinas na maaprubahan at maipatupad na ang COC.
Positibo naman si Presidential Spokesman Salvador Panelo na matatapos ng pangulo ang mga aktibidad ng naturang pulong.
Pero wala itong komento sa umanoy harassment ng barko ng China sa bangkang pangisda ng mga Filipino sa Scarborough Shoal.
Magkakaroon din ng talakayan ukol sa kasunduan ng 16 na miyembro sa malayang kalakalan sa Asya alinsunod sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Umaasa si Trade Secretary Ramon Lopez na mapipirmahan na ang free trade deal sa Pebroro ng susunod na taon sa gitna ng reklamo ng India sa pagbaha ng mga produkto ng China.