Nasa Thailand na si Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa 35th Association of Southeast Asian (Asean) Summit.
Dumating ang pangulo sa Bangkok dakong 9:52 Biyernes ng gabi.
Itinuloy ni Pangulong Duterte ang pagdalo sa Asean Summit sa gitna ng mga lindol na tumama sa Mindanao.
Sa pahayag ay tiniyak ng Malakanyang na “on top of the situation” ang pangulo at inutusan na nito ang mga lokal na pamahaalan para tulungan ang mga biktima at suriin ang mga istraktura sa nasira ng pagyanig.
Sa kanyang tatlong araw na pagbisita sa Thailand ay nakatakdang dumalo ang pangulo sa Asean Plus Three Summit kasama ang Japan, China at Korea.
Tatalakayin ng pangulo sa mga kapwa lider ang mga pangunahing isyu na nakakaapekto sa seguridad at pag-unlad ng rehiyon.
Dadalo rin ang pangulo sa Asean one-on-one summits sa China, India, United Nations (UN), Estados Unidos at Japan.
Kasama sa delegasyon ng pangulo sina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Finance Secretary Carlos Dominguez III, Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista, Energy Secretary Alfonso Cusi, Social Economic Planning Secretary Ernesto Pernia, Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, Philippine Permanent Representative to Asean Noel Servigon at Philippine Ambassador to Thailand Mary Jo Bernardo-Aragon.
Ito na ang ikaapat na pagbisita ng pangulo sa Thailand matapos ang pagpunta doon noong November 2016 para sa libing ni King Bhumibol Adulyadej, opisyal na pagbisita noong March 2017 at ang 34th Asean Summit noong Hunyo ng kasalukuyang taon.