Undas magiging maulan sa malaking bahagi ng bansa dahil sa LPA

Isang low pressure area (LPA) ang magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong araw.

Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 240 kilometro Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Magdadala ang LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Palawan, Bicol Region, buong Visayas, Caraga, Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula.

Ibinabala ng PAGASA ang posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga oras na may malakas na thunderstorms.

Samantala, magdadala naman ang northeast monsoon o Amihan ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes at Babuyan Islands.

Easterlies ang iiral sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON at natitirang bahagi ng Cagayan Valley na magdadala ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Sa natitirang bahagi ng bansa, maalinsangang panahon ang mararanasan na may posibilidad lamang ng mga panandaliang pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms.

Read more...