Mga bumibisita sa sementeryo sa Metro Manila dagsa na
Unti-unti nang dumadagsa ang mga bumibisita sa mga pangunahing sementeryo sa Metro Manila.
Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office, hanggang Huwebes ng gabi ay umabot na sa 800,000 ang pumunta sa Manila North Cemetery.
Ilan namang mga tindero ang nakalusot at patuloy na nagtitinda sa sementeryo kahit ipinagbawal ito ng pamahalaang lokal.
Sa Manila South Cemetery naman, nakaapekto ang bumuhos na ulan Huwebes ng gabi kaya’t medyo naging matumal ang buhos ng tao.
Maluwag ang entrance ng Manila South Cemetery ngayon kumpara noong October 31 ng gabi hanggang November 1 ng madaling araw ng 2018.
Ayon sa pulisya, 18,319 lamang ang naitalang bumisita sa sementeryo kahapon, October 31, mababa kumpara sa higit 200,000 sa kaparehong araw noong 2018.
Sa Loyola Memorial Park naman sa Marikina, marami na rin ang bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa bahay.
Ayon sa Marikina Police, hanggang alas-2:00 ng madaling araw kanina, umabot na sa 25,700 ang bumisita sa sementeryo.
Samantala, pinaalalahanan ang mga bibisita sa Loyola Memorial Park na epektibo na ang one-way traffic scheme sa A. Bonifacio Avenue hanggang Sumulong Highway at tatagal hanggang alas-6:00 ng umaga ng November 3.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.