Idinaan ng Malacañang sa kuwentahan ang pagpapaliwanag sa dahilan kung bakit ibinasura ni Pangulong Benigno Aquino ang dagdag na pension ng mga miyembro ng Social Security System o SSS.
Ayon kasi sa Kilusang Mayo Uno o KMU, sa halip na pigilan ang pension hike, dapat mas tutukan ng gobyerno ang paghabol sa mga employer na hindi nagbabayad o atrasado mag-remit ng kontribusyon at pagpigil sa malalaking bonus na tinatanggap ng mga SSS executives.
Pero giit ni Communications Secretary Sonny Coloma, hindi totoo na tumatanggap pa rin ng malalaking bonus ang mga opisyal ng SSS at napaganda na rin ang koleksyon ng ng kontribusyon sa ilalim ng Aquino administration.
Gayunman, kahit na mas malaki ang koleksyon ngayon ng SSS, hindi ito sasapat para tustusan ang pagtaas ng pensyon.
Base sa kanilang computation, aabot sa P56 billion ang ilalabas ng SSS para sa 2 libong umento ng 2.15 milyong pensioner sa loob ng labing tatlong buwan.
Aniya, mas malaki ang nasabing halaga kasya sa average na 30 billion pesos na collection ng SSS kada taon mula nang pumasok ang Aquino administration.
Apela ni Coloma, sana pag-aralan ito ng mga kritiko sa halip na bumabatikos nang wala namang basehan.
Samantala, ipinagtanggol rin ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang pagkaka-veto ni Pangulong Noynoy Aquino sa SSS pension hike bill.
Ayon kay Belmonte, pinili lamang ni Presidente Aquino na maging ‘fiscally responsible leader’, kaysa sa isang pinuno na nagpapamando sa kasalukuyang politika.
Paliwanag pa ni Belmonte, wala raw “choice” si Pnoy na i-veto ang proposed pension increase, dahil hindi kakayanin ng SSS sa oras na naging ganap na batas ang panukala.
Ayon sa Speaker, nakapasa na sa Kamara ang sister bill ng SSS pension increase bill na magbibigay sana sa SSS board members ng kapangyarihan gaya ng sa GSIS para magtaas ng premiums.
Gayunman, hindi pa aniya ito nakakalusot sa Mataas na Kapulungan.