Umani ng samu’t saring reaksyon sa social media si Pastor Apollo Quiboloy matapos ang pahayag nito tungkol sa nangyaring lindol sa Mindanao.
Sa viral videos ngayon ni Quiboloy sa Facebook at YouTube, sinabi nito na habang siya ay nasa kanyang kwarto, nangyari ang magnitude 6.6 na lindol noong Martes.
Pero sinabi niya lang umano ang ‘lindol, stop!’ at huminto na ang lindol.
Makaraan ang ilang oras, bandang alas-11:00 ng umaga ay muling yumanig at nagsabi umano si Quiboloy ng ‘stop!’ at huminto ulit ang lindol.
“Noong lumindol ng (magnitude) 6.6, nandoon ako kahapon, nandoon ako sa kwarto ko, sabi ko, ‘lindol, stop’ eh di, um-stop. Tapos, pangalawa mga 11 siguro iyon, nandyan si Ingrid, nagsusulat ako, lumindol, sabi ko lang ‘stop’ eh di um-stop din,” ani Quiboloy.
Ayon kay Quiboloy, dapat magpasalamat sa kanya ang mga tao dahil kung hindi niya pinahinto ang lindol ay mas malaki pa ang pinsala sa Mindanao at marami ang namatay.
“Pasalamat kayo sa akin, kasi kung hindi ko pina-stop ‘yon, marami kayong magigiba diyan, mamamatay kayo! Kaya’t pasalamat kayo at ako ang nagpa-stop ng lindol. Hindi ko sinabi ‘to ng walang witness ha. May witness marami, nakapalibot sa akin. Sinigawan ko yung lindol, nang gumanun na ang mga chandelier, ‘stop!’ sabi ko lang ‘stop’, um-stop agad,” dagdag ni Quiboloy.
Sa pahayag ng netizens, pinayuhan ang church leader na mangilabot sa ipinahahayag at inakusahan itong bulaang propeta.
Si Quiboloy ang leader ng ‘Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name’ kung saan ipinakikilala niya ang sarili bilang ‘Appointed Son of God’ at ‘Owner of the Universe’.