Tugade sa PPA, PCG: Tulungan ang mga biktima ng M6.6 na lindol sa Mindanao

Ipinag-utos na ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Coast Guard (PCG) na tumulong sa mga lugar na apektado ng magnitude 6.6 na lindol sa Mindanao.

Ayon sa kalihim, dapat magkaisa para makapagbigay ng tulong sa mga apektadong residente ng nasabing rehiyon.

Matapos ito, agad nagbaba ng direktiba si PPA General Manager Jay Santiago sa lahat ng Project Management Office (PMO) na makipag-ugnayan sa mga local government unit (LGU), local Department of Social Welfare and Development (DSWD) at local Disaster Risk Reduction Management Offices (DRRMOs) para umasiste sa disaster management efforts.

Sinabi ni Santiago na nakikiisa ang PPA sa panalangin sa buong bansa at aksyon para sa mabilis na rehabilitasyon ng mga nasirang ari-arian.

Samantala, ipinakalat na rin si Coast Guard Commandant Vice Admiral Joel Garcia ang lahat ng kanilang asset sa Davao City, Davao del Sur at Cotabato.

Maliban dito, mayroon ding nakahandang PCG K9 search and rescue dogs para magsilbing lookout sa mga nawawalang tao.

Nakahanda rin ang kaniyang PCG Auxiliary para maghatid ng tulong-medikal sa mga nasugatang biktima.

Ang PPA at PCG ay kapwa-saklaw ng mga ahensya sa DOTr.

 

Read more...