Humihiling ang Pilipinas sa Estados Unidos na sabay itong magsagawa ng pagpapatrulya sa West Philippines Sea sa gitna ng patuloy na agawan ng teritoryo sa lugar.
Ayon kay Peter Paul Galvez, tagapagsalita ng Department of National Defense, ipinarating na ng Kagawaran ang naturang suhestyon sa US kasabay ng 2+2 meeting sa pagitan ng mga opisyal ng Defense at Foreign Ministry department ng dalawang bansa sa Washington.
Bahagi ng pagpupulong ang pagtalakay sa pagpapalakas ng trade at security at ang pagtutok sa mga isyung may kinalaman sa kasalukuyang sitwasyon sa South China Sea o West Philippines Sea.
Mahalaga aniyang magkaroon ng ‘collaborative presence’ ang US at Pilipinas sa South China Sea, ngayong nagpapakita ng malakas na presensya ang China sa lugar.
Ang China ay inaangkin ang halos kabuuan ng South China Sea na pinaniniwalaang may malawak na deposito ng natural gas at langis.
Pinakahuling aktibidad na pinasimunuan ng China sa South China Sea ay ang pagpapalapag ng tatlong civilian airplanes sa Fiery Cross reef o Kagitingan reef kung saan sila nagtayo ng airstrip kamakailan.
Bukod sa China at Pilipinas, kapwa inaangkin din ng mga bansang Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam ang ilang mga isla at bahura na sakop ng Spratly group of islands na matatagpuan sa South China Sea.