PNoy inuulan ng batikos sa pag-veto sa dagdag na SSS pension
Nagpapatuloy ang pag-ani ng batikos at negatibong komento ng Pangulong Benigno Aquino III sa desisyon nitong i-veto ang dagdag na P2,000 sa pension ng mga SSS pensioners.
Mula sa mga ordinaryong mamamayan, hanggang sa mga senior citizens at labor groups, pawang kalungkutan ang kanilang inihahayag dahil hindi na matutuloy ang pagtanggap nila ng dagdag sa kanilang buwanang pensyon.
Karamihan sa mga pensioners ay nanghihinayang dahil hindi na madaragdagan ang kanilang pambili ng mga gamot para sa ilang sakit na iniinda sa kasalukuyan.
Pahayag naman ng iba, mistula na silang isinaisantabi ng pamahalaan dahil sa hindi natupad na dagdag sa kanilang pensyon.
Ayon sa Federation of Free Workers o FFW, laging ipinagmamalaki ng Pangulo ang pagtaas ng antas ng ekonomiya ng bansa ngunit hindi naman maibigay ng gobyerno ang kaunting benepisyo tulad ng dagdag na benepisyo sa mga pensioners.
Nananawagan naman si dating UP professor Eduardo Alicias Jr., sa Kongreso na agad baliktarin o i-override ang pag-veto ng PAngulong Aquino sa naturang panukala.
Upang ma-override ang Pangulo, kailangan ng two-thirds vote ng lahat ng mga mambabatas upang pa-override ang pag-veto ng Pangulong Aquino sa P2,000 dagdag na benepisyo sa mga SSS Pensioners.
Nangangamba naman si Inquirer columnist at dating Air Force General na si Ramon Farolan na maapektuhan na rin ang hiling na dagdag pensyon ng mga retiradong military personnel sa pag-veto ng Pangulo sa SSS pension increase.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.