Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang SLPA sa layong 460 kilometro Silangan ng Davao City.
Magandang panahon ang mararanasan sa Luzon ngunit inaasahan pa rin ang mga panandaliang pag-ulan sa hapon o gabi dulot ng localized thunderstorms.
Dahil naman sa SLPA, makararanas ng makulimlim na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang buong Visayas, Northern Mindanao, Caraga at Davao Region.
Ang nalalabing bahagi ng Mindanao ay makararanas ng magandang panahon liban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Walang nakataas na gale warning saanmang baybaying dagat ng bansa kaya’t malayang makakapaglayag ang mga mangingisda.