Aabot sa P6 milyong donasyon ang natanggap ng Philippine General Hospital (PGH) araw ng Miyerkules mula kay Manila Mayor Iskor Moreno at apat pang kumpanya.
Ang milyun-milyong donasyon ay galing sa talent fee ng alkalde at kusang-bigay ng mga kumpanya.
Kinuha ng Jag Jeans si Moreno bilang endorser kung saan binayaran siya ng P1 milyon na direkta niyang ibinigay sa PGH cancer ward.
Dahil sa kabutihang-loob ng alkalde, nagpasya ang Jag Jeans na magbigay pa ng karagdagang P1 milyon sa ward.
Ang sister companies din ng Jag ay nakalikom ng P2 milyon na ibinigay din sa PGH.
Ang food giants naman na Kenny Rogers at Seattle’s Best ay nagbigay din ng tig-P1 milyon para sa pagpapaganda ng pasilidad ng ospital.
Noong nakaraang linggo una nang nagbigay si Moreno ng P1.5 milyon sa PGH mula sa kanyang endorsement sa coffee chain na I.M coffee.
Kalahati pa lang ang naturang halaga ng kabuuang P3 milyon at ang natitirang P1.5 milyon ay mapupunta rin sa PGH.
Sa viral video ng alkalde noong nakaraang linggo, sinabi nito na ayos lang na magasgasan ang katawan niya basta’t makakatulong naman sa ibang tao.
Samantala, sinabi ni Moreno na kabuuang P24.5 milyon ang kabuuang halaga ng donasyon na maibibigay sa cancer ward matapos ang kanyang panawagan sa Manila Golf and Country Club noong kanyang ika-45 kaarawan.