Lebanese PM Saad Hariri nagbitiw sa pwesto sa gitna ng anti-gov’t protests
Inanunsyo ni Lebanese Prime Minister Saad Hariri ang kanyang pagbibitiw sa pwesto sa gitna ng malawakang kilos-protesta laban sa gobyerno.
Sa isang televised address araw ng Martes, sinabi ni Hariri na umabot na siya sa ‘dead end’.
Sa loob ng dalawang linggo ay naghintay umano ang mga mamamayan para sa isang desisyong magpapahinto sa krisis.
“For 13 days, the Lebanese people have waited for a decision for a political solution that stops the deterioration. And I have tried, during this period, to find a way out, through which to listen to the voice of the people.”
Giit ni Hariri, ang posisyon sa gobyerno ay dumarating at lumilipas.
Ang mas mahalaga anya ay ang kaligtasan at dignidad ng mga mamamayan.
Ang malawakang kilos-protesta sa Lebanon ay bunsod ng umano’y political corruption at krisis sa ekonomiya.
Noong October 17, ipinanukala ng gobyerno ang pagtatakda ng buwis sa Whatsapp calls na ikinagalit ng mga mamamayan at nagsanhi ng nationwide protests.
Buhat nang magsimula ang mga demonstrasyon, napilitang isara ang mga bangko, paaralan at mga opisina.
Wala pang inilalabas na pahayag si Lebanese President Michel Aoun sa pagbibitiw ni Hariri.
Sakaling tanggapin ang resignation, kinakailangang manatili si Hariri sa pwesto hanggang sa mabuo ang bagong administrasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.