Pumunta ang mga kaanak ni Myra Morga sa Manila City Hall araw ng Martes para ipanawagan na papanagutin din ang ospital at hindi lamang tanggalin ang tatlong medical staff.
Sa pagharap ng pamilya sa legal department na nag-iimbestiga sa kaso, sinabi nila na alas 8:00 ng umaga noong Lunes nang dumating sa ospital si Morga pero alas 12:00 ng tanghali na ito nailipat sa Sta. Ana Hospital.
Pero imbes na idiretso ay pinababa si Morga ng ambulansya kaya napilitan itong maglakad ng isang kanto pa ang layo sa ospital kahit dinudugo na.
Alas 10:00 ng gabi pa nasalinan ng dugo si Morga at hatinggabi ay ipinanganak ang patay na nitong sanggol.
Kanya kanya naman ng katwiran ang dalawang ospital.
Ayon sa Ospital ng Sampaloc, stable ang kundisyon ni Morga noong nasa emergency room ito pero kailangan itong ilipat sa ibang pagamutan para mas matugunan ang kanyang kundisyon.
Sinabi naman ng Sta. Ana Hospital na naghanap pa sila ng dugo kaya natagalan bago nasalinan si Morga.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na may kapabayaan ang Ospital ng Sampaloc dahil sa naging proseso ng paglipat kay Morga sa ibang ospital kahit dinudugo na ito.