Malacañang: Susunod na mga biyahe ni Duterte nakadepende sa rekomendasyon ng doktor

Nakadepende sa magiging abiso ng doktor ang mga susunod na biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa press briefing sa Malacañang araw ng Martes, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na patuloy ang konsultasyon ng pangulo sa doktor.

Una nang nakaranas ang pangulo ng muscle spasms bunsod ng aksidente sa motorsiklo.

Pero noong Lunes, minaliit ng pangulo ang iniinda at sinabi pang hindi na niya kailangang maglabas ng medical bulletin.

Ayon kay Panelo, kung ayaw ng doktor na bumiyahe si Duterte ay hindi ito babiyahe.

“Depende kasi ‘yan sa consultation niya sa doktor niya. Eh kung ayaw siya pagbiyahehin ng doktor niya, eh ba’t naman siya magbibiyahe. Continuing yata iyong consultation niya,” ani Panelo.

Ngayong linggo lilipad pa-Thailand ang presidente para dumalo sa 35th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Hindi pa naman makumpirma ni Panelo kung makadadadalo si Duterte sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Santiago, Chile sa November 16 hanggang 17 at sa ASEAN-Republic of Korea Commemorative Summit sa Busan, South Korea sa November 25 hanggang 26.

Sinabi ni Panelo na posible rin kasing ikonsidera ng presidente ang nagaganap na protesta sa Chile matapos ang desisyon ni Chilean President Sebastian Piñera na sibakin ang kanyang buong gabinete.

 

Read more...