CHR sa DENR: Environmental laws at human rights standards, ipatupad sa pagtayo ng Kaliwa Dam
Ikinababahala ng Commission on Human Rights (CHR) ang planong konstruksyon ng Kaliwa Dam sa lalawigan ng Rizal.
Ayon sa tagapagsalita ng CHR na si Atty. Jacqueline Ann de Guia, may nakarating sa kanilang ahensya na hindi sang-ayon ang mga indigenous people na nakatira malapit sa Kaliwa River watershed kung saan itatayo ang nasabing dam.
Mas mainam anya na ang pagtatayo ng dam sa Kaliwa River watershed ay walang masasagasaang karapatang pantao, lalong lalo na ang mga karapatan ng mga katutubo sa bansa.
Umaasa naman si de Guia na sana nagkaroon ng totoong consultation reports at approval mula sa indigenous community sa Rizal bago ang pagtatayo ng nasabing Dam.
Apektado ang ancestral domains ng indigenous people sa Rizal sa pagtatayo o konstruksyon ng Kaliwa dam.
Kaya naman nananawagan ang pamunuan ng CHR sa gobyerno, partikular sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tiyaking maipatutupad ng maayos ang environmental laws at human rights standards sa patatayo ng dam sa Kaliwa River watershed.
Siniguro naman ni de Guia na imo-monitor nila ang nasabing proyekto upang matiyak na maiwasan ang mga negatibong epekto sa mga karapatang pantao sa pagpapatupad ng nasabing proyekto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.