‘Make Halloween Holy’ Parade of Saints patok na
Kung ang iba ay sinasalubong ang Halloween sa katatakutan, ilang mga parokya at komunidad ang may mas magandang paraan ng pagdiriwang.
Maraming mga eskwelahan, parokya at komunidad sa bansa ang taunang nagdaraos ng Parade of Saints upang tanggalin na ang tradisyon ng katatakutan tuwing All Saints’ Day.
Sa Provident Villages sa Marikina at sa St. Peter Martyr of Verona Parish sa Hermosa, Bataan, tampok ang mga kabataang nagbihis-santo at pumarada sa kalsada.
Viral ngayon sa social media ang larawan ng mga bata.
Layon ng aktibidad na ipaalala na ang November 1 ay All Saints’ Day o araw kung kailan pinararangalan ang lahat ng mga santo o banal sila man ay kilala o hindi.
Una nang hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga magulang na bihisan na lang ang mga anak tulad ng santo at hindi ng mga nakakatakot na nilalang.
Ang salitang ugat din ng Halloween o gabi bago ang November 1 ay ‘hallow’ na nangangahulugang ‘holy’ o banal kaya hindi dapat umano ginagamit na katatakutan.
Samantala, ang All Souls’ Day o araw ng mga kaluluwa naman ay pag-alala sa mga yumao nang sila ay makatamo ng kadalisayan at makarating sa langit.
Una nang sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na ang All Saints’ Day at All Souls’ Day ay ‘selebrasyon ng buhay’.
Paliwanag ni Pabillo, sa tuwing pumupunta ang publiko sa mga sementeryo ay nag-aalay sila ng mga panalangin, bulaklak, kandila at ang iba ay nagdadala ng pagkain – ang mga ito anya ay mga senyales ng buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.