May nakitang kapabayaan ang Department of Health (DOH) sa pagpapalipat ng Ospital ng Sampaloc sa babaeng manganganak at dinudugo na nang pababain ito sa ambulansya papunta sa Sta. Ana Hospital sa Maynila.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mali ang ginawa ng Ospital ng Sampaloc dahil emergency na ang kundisyon ni Myra Morga at ang sanggol sa sinapupunan nito.
Hindi na anya dapat hinanap ng ospital ng requirement na dapat ay may kaanak si Morga na magbibigay ng pahintulot sa paglilipat nito ng ibang ospital.
Paliwanag ng kalihim, 23 anyos na ang biktima kaya hindi na ito menor de edad na kailangan pang hintayin ang desisyon ng kamag-anak.
Giit ni Duque, hindi dapat pinababa ng ambulansya si Morga at dapat na sinamahan ito mula sa Ospital ng Sampaloc hanggang sa pinaglipatan sa kanya sa Sta. Ana Hospital kung saan siya namatay na dahil sa sobrang pagdurugo.
Katwiran naman ng Ospital ng Sampaloc, sa emergency room pa lang ay nalaman nang patay na ang baby ni Morga pero dahil hindi kaya ng ospital ang kundisyon nito ay pinalipat ito ng ibang ospital.
Walang nagawang koordinasyon ang Ospital ng Sampaloc sa paglilipatang ospital kaya pinababa si Morga ng naghatid ditong ambulansya ilang metro pa ang layo sa Sta. Ana Hospital.
Pinaiimbestigahan na rin ni Mayor Isko Moreno para matukoy kung nabigyan ba ng sapat na atensyon at pag-aalaga si Morga.
Pinatawag ng alkalde ang mga opisyal ng dalawang ospital araw ng Lunes at matapos mapakinggan ang magkabilang panig ay nakita na nito ang mali ng ambulansya na pababain ang taong dinurugo na.