Pagbabawal sa mga paputok ipinauubaya ni Duterte sa mga LGU
Ibibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kamay ng mga local government unit (LGU) ang pagdedesisyon ukol sa pagbabawal sa mga paputok sa kanilang nasasakupang lugar.
Sa panayam ng reporters sa Malacañang, sinabi ng pangulo na wala siyang intensyong ipagbawal ang paggawa ng paputok.
Pero kung siya anya ang tatanungin ay ayaw niya na sanang may masasaktan pa sa paputok lalo na ang mga bata.
Gayunman, bahala na anya ang mga LGU sa pagtugon dito.
“It would really depend on the local government concerned, kasi hindi puwedeng ano, I mean, the firecracker itself is not illegal per se. Just because you are holding a firecracker doesn’t mean that you are guilty of a crime,” ayon sa pangulo.
Isa sa mga tinitingnang paraan ni Duterte ay ang pagbalangkas sa batas para ipahinto ang pagbebenta ng paputok.
Taun-taon na lang anya ay maraming bata ang nabubulag o hindi kaya ay napuputulan ng daliri at may mga nasusunugan pa dahil sa paputok.
“But if I can utilize a national law to stop the selling… Ang gusto ko kasi, wala nang putukan para wala nang maputulan ng ulo, wala nang mabulag. I’m more concerned, not in the stopping of the manufacture of (firecrackers), pero ‘yung madisgrasya na mga bata,” dagdag ng presidente.
Magugunitang noong 2017, naglabas ng Executive Order (EO) si Duterte para limitahan ang paggamit ng paputok at pwede lang ay ‘community fireworks display’.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.