‘Tapat Ko-Linis Ko’ ordinance ipinatupad sa Maynila
Ipinatutupad na sa Maynila ang ordinansa na nag-oobliga sa lahat ng mga kabahayan at commercial establishments na panatiliin ang kalinisan at kaayusan sa paligid.
Ayon sa Manila Public Information Office, inilabas ng lokal na pamahalan araw ng Lunes ang Ordinance No. 8572 o ang “Tapat Ko-Linis Ko” Ordinance.
Sa ilalim nito ay nakasaad ang sumusunod na pagbabawal:
- Pagsasampay ng mga damit sa mga kable ang kuryente, bintana, poste at ibang lugar;
- Paglalaba at pagpapatuyo ng mga damit sa mga bangketa, sidewalk, kalsada, eskinita at ibang lugar;
- Pag-iwan ng basura sa mga bangketa, sidewalk, kalsada, eskinita at ibang lugar gayundin ang pagpapabaya at pag-iwan sa mga alagang hayop na dumumi lampas sa property line;
- Pagtambak, pagtapon ng basura, debris, junk materials, at mga sirang gamit at appliance sa anumang bahagi ng kalsada na isang obstruction sa pagdaan ng mga sasakyan at pedestrian;
- Pagtatayo ng kulungan ng alagang hayop sa kalsada;
- Pagtatayo ng business extension kabilang ang dagdag na bubungan at ibang bahagi ng negosyo
Nagtakda naman ng kaukulang multa at parusa sa lalabag sa ordinansa:
- 1st offense: Warning/Reprimand
- 2nd offense: Multa na hindi mahigit sa P500
- 3rd offense: Multa na hindi mahigit sa P1,000
- 4th offense: Multa na hindi mahigit sa P3,000
- 5th offense: Multa na hindi mahigit sa P5,000 o kulong ng hindi mahigit sa 30 araw o parehong multa at kulong batay sa discretion ng korte
Ilang beses nang sinabi ni Mayor Isko Moreno na hindi niya kayang mag-isa ang paglilinis at pag-aayos sa lungsod kaya nakiusap ito sa mga taga-Maynila na makiisa sa naturang hakbang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.