Duterte pinapabuwag ang Pasig River Rehabilitation Commission
Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabuwag na ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) dahil aksaya lamang anya ito sa pera at panahon.
Ayon sa pangulo, walang kwentang tanggapan ang PRRC kaya hinimok niya ang Kongreso na i-abolish na ito.
Katwiran ni Duterte, malinis na ang Pasig River kaya wala nang lilinisin pa sa ilog.
“There is nothing to clean in the Pasig River. It is already clean. That is the state-of-the-art ng Pasig. Unless we require every building not only along the river but everybody who has a waste to dump in a sewage or sewerage, walang mangyari,” pahayag ng pangulo sa oath-taking ng mga bagong opisyal ng gobyerno sa Malakanyang Lunes ng gabi.
Binanggit ng pangulo na sinibak na niya si dating PRRC Executive Director Jose Antonio Goitia dahil sa alegasyon ng katiwalian.
Ang pera anyang nakalaan sa naturang ahensya ay mas mabuting gamitin sa pagbili ng mga gamot at bigas.
Kamakailan ay inilipat ng pangulo ang chairmanship ng PRRC sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Nabuo ang PRRC noong 1999 sa pamamagitan ng executive order ni dating Pangulong Joseph Estrada para malinis at maibalik ang kundisyon ng Ilog Pasig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.