PNP hindi na iimbestigahan ang pagpatay sa mayor ng Clarin, Misamis Occ.
Bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, ititigil na ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa pagpatay kay Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro sa Cebu City.
Sa pahayag ay sinabi ng PNP na iginagalang nila ang desisyon ng pangulo at susundin nila ito.
“The PNP respects the decision of the President and will comply with his order,” pahayag ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac.
Sinabi ni Banac na handa ang pambansang pulisya na makipag-tulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) para matiyak na impartial ang imbestigasyon ng kaso.
Ang hakbang ng PNP ay kasunod ng atas ng pangulo na NBI na ang mag-imbestiga sa kaso.
Ito ay dahil duda ang pangulo na sangkot ang pulisya sa ambush kay Navarro.
Tinambangan si Navarro habang dadalhin ito sa inquest proceedings sa Cebu City Prosecutor’s Office noong Otober 25.
Ito ay kaugnay ng reklamong pananakit na isinampa ng isang masahista laban sa alkalde.
Kabilang ang dalawang pulis sa mga nasugatan sa ambush sa opisyal.
Matatandaan na kasama si Navarro sa listahan ng narco-politicians ni Duterte na inilabas noong Marso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.