Kung kapwa masaya ang Pilipinas at Estados Unidos sa pasya ng Korte Suprema sa legalidad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), hindi naman ito ikinatuwa ng China.
Dismayado ang China sa pasya ng Mataas na Hukuman na nagsasabing naaayon sa Saligang Batas ang kasunduan.
Sa editoryal na lumabas sa Xinhua News Agency, tinawag na ‘stupid’ ang nasabing hakbang at nagbabala sa mga maaring idulot nito. “Manila has to bear the negative consequences of its stupid move in the future,” ayon sa editoryal.
Nakasaad din sa artikulo na mistulang humihingi ng saklolo ang Pilipinas kay ‘Uncle Sam’ sa ambisyon nitong malabanan ang China.
Iginiit sa nasabing pahayag na ang kasunduan ng Pilipinas at US sa ilalim ng EDCA ay maari lamang makapagpalala ng tensyon sa agawan sa teritoryo.
Tinukoy sa artikulo ang posibilidad na magkaroon ng direktang military confrontation sa South China Sea o West Philippine Sea sa pagitan ng China at ng Estados Unidos.