LPA magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa
Isang low pressure area na nasa loob ng bansa ang magdudulot ng mga pag-ulan sa Southern Luzon, buong Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 150 kilometro Kanluran Timog-Kanluran ng Dumaguete City, Negros Oriental.
Inaasahang tatawid ng kalupaan ng Palawan ang nasabing LPA ngayong araw at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas, araw ng Martes.
Dahil sa LPA, makararanas ng maulap na kalangitan na may mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region buong Visayas at Zamboanga Peninsula.
Samantala, northeast monsoon o hanging Amihan naman ang nakakaapekto sa extreme northern Luzon.
Sa Batanes at Babuyan Group of Islands, inaasahan ang pulo-pulong mahihinang pag-ulan dahil sa Amihan.
Sa Metro Manila, inaasahan din ang maulap na kalangitan na may posibilidad ng mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Sa Davao Region, Caraga at Soccsksargen, inaasahan naman ang maaliwalas na panahon dahil hindi ito direktang epekto ng LPA.
Kahit may LPA sa loob ng bansa, wala namang nakataas na gale warning saanmang baybaying dagat kaya’t ligtas na makakapalaot ang mga maglalayag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.