Malakanyang, ginagawan ng solusyon ang nakaambang krisis sa tubig sa Metro Manila
Ginagawan na ng solusyon ng Palasyo ng Malakanyang ang nakaambang krisis sa tubig sa Metro Manila.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na ito ay para hindi na lumala ang problema.
“Eh gagawan natin ng paraan para hindi maging malubha ang krisis na iyan. Kung merong problema eh bibigyan natin ng solusyon. So I think those people who are responsible for that will have to do their job,” pahayag ni Panelo.
Pag-aaralan din aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit ng mga water concessionaire na taas-singil sa tubig.
“Eh lahat yan eh pag-aaralan din ng presidente at gagawa siya ng mga kaukulang hakbang upang magkaroon ng katuparan yung mga sinabi niyang kailangan walang water crisis sa bansa,” ani Panelo.
Tiniyak naman ni Panelo na hindi front o gawa-gawa lamang ang nakaambang krisis sa tubig para itulak ang Kaliwa Dam project na popondohan ng China.
Sa ngayon, sinabi ni Panelo na hindi pa matiyak kung tuloy ang Kaliwa Dam project.
“Hindi natin alam yung.. ang alam natin iniimbestigahan yung sa dam project na yun. Hindi ko pa alam kung ano ang latest dun. Definitely hindi. Ang administrasyong ito walang mga tinatawag na front or mga kasinungalin na kinakalat nila,” pahayag ni Panelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.