PNP, posibleng may kapabayaan dahilan kaya napatay sa ambush si Mayor Navarro – Malakanyang
Naniniwala ang Palasyo ng Malakanyang na maaring may security lapses o kapabayaan ang Philippine National Police (PNP) kung kaya napatay sa ambush si Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro sa Cebu City noong Biyernes, October 25.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na nagtataka ang Palasyo kung paanong hindi nakaganti ng putok ang mga pulis sa mga suspek na nanambang kay Mayor Navarro.
Ayon kay Panelo, maaring nagulat ang mga pulis kung kaya hindi naka-react.
Nakagugulat, ayon kay Panelo, dahil nakuha ng mga salarin na mapahinto ang sasakyan ng mga pulis.
“Siguro. Baka ‘yung mga… Nagtataka nga kami bakit hindi sila naka-react. Siguro, nabigla. Hindi nila inaasahan dahil biro mo ang van na ng pulis ‘yun eh.. napahinto pa nila,” pahayag ni Panelo.
Si Navarro ay kasama sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi na aniya alam ng Palasyo kung may nakagalit si Navarro sa mundo ng ilegal na droga dahilan para tambangan ito.
Ayon kay Panelo, sa ngayon, hahayaan na muna ng Palasyo ang PNP na gawin ang kanilang tungkulin at magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing insidente.
Pagtitiyak ni Panelo, mananagot sa batas ang mga taong responsable sa pananambang kay Navarro.
“Yung mga ganung sitwasyon, hindi natin alam kung ‘yung mga nagtambang sa kaniya, ‘yung mga nag-ambush sa kaniya eh mga kasama niya na nagalit sa kaniya o nagkaroon sila ng mga botched deals in their drug connections, hindi natin alam ‘yun eh. Eh ganun pa man, eh ‘yun man ay konektado sila sa drugs, hindi tayo pwe-pwedeng pumayag diyan na basta ka papatay ng tao sa kalsada. Hindi iyon ang sinusunod nating batas. Kaya we will let the police do their work and then prosecute those behind the killing,” ani Panelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.