Isang LPA, binabantayan ng PAGASA sa loob ng bansa

Photo grab from DOST PAGASA’s website

Isang Low Pressure Area (LPA) ang binabantayan ng PAGASA sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PAGASA weather forecaster Benny Estareja na bandang 3:00, Linggo ng madaling-araw, namataan ang LPA sa 300 kilometro Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur at tatawid sa Visayas area.

Magpapaulan ang LPA sa Visayas, Mindanao at Southern Luzon hanggang sa araw ng Martes, October 29.

Ayon kay Estareja, maliit naman ang tsansa na maging bagyo ang LPA subalit kapag nakatawid na sa West Philippine Sea ay maari nang maging bagyo roon.

Wala namang ibang LPA na binabantayan ang PAGASA.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa at ang Metro Manila ay makararanas ng maulap na kalangitan na may panandaliang pag-ulan dahil naman sa Amihan.

Read more...