Mga estudyante, libre sa terminal fees sa mga paliparan – CAAP
Nagpaalala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga estudyanteng bibiyahe pauwi ng iba’t ibang lalawigan o ibang bansa para sa paggunita ng Undas.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng CAAP na libre pa rin ang mga estudyante sa terminal fees sa mga paliparan.
Ayon kay Jim Sydiongco, director general ng CAAP, magandang oportunidad ang Undas para ma-avail ng mga estudyante ang inisyatibo ng Department of Transportation (DOTr).
Sa ganitong paraan, sinusuportahan aniya ng ahensya ang inisyatibong “malasakit” para sa mga estudyante.
Ayon naman kay Transportation Secretary Arthur Tugade, sa pamamagitan ng benepisyo, layon ng gobyerno na bigyang-pagkilala ang kahalagahan ng edukasyon.
Sakop nito ang mga estudyante na nasa elementary hanggang college level. Kasama rin sa benepisyo ang mga kumukuha ng vocational at technical courses.
Para makuha ang benepisyo, kailangan lamang magprisinta ng estudyante ng kanilang balidong identification cards o enrollment registration cards na may larawan.
Hindi naman kabilang ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Mactan-Cebu International Airport (MCIA) at Clark International Airport (CRK) sa terminal fee payment exemption para sa mga estudyante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.