Nagpapatuloy ang imbestigasyon kung sino ang nasa likod ng pamamaslang kay Clarin Mayor David Navarro.
Biyernes ng hapon nang tambangan ang sinasakyan ng alkalde patungo ng Cebu City Prosecutor’s Office para sumailalim sa inquest proceedings sa reklamong physical injuries at acts of lasciviousness na inihain ng dalawang masahista.
Sakay si Navarro sa isang Mahindra police patrol car kasama ang limang police escort, dalawang kapatid na babae at isang kaibigan.
Napapagitnaan ang alkalde ng dalawang pulis kabilang ang hepe ng pulisya sa bayan ng Clarin kasama ang kapatid nitong babae.
Malapit na sa Prosecutor’s Office ang convoy nang harangin ito ng isang kulay puting van.
Apat na armadong lalaki ang bumaba sa van at pinaulanan ng bala ang Mahindra patrol car kung saan sakay ang alkalde.
Kasunod nito, binitbit ng mga suspek si Mayor Navarro sa kanyang bulletproof vest at nang matumba sa kalsada ay saka binaril ng malapitan sa ulo.
Inaalam din kung bakit hindi gumanti ng putok ang mga pulis na kasama sa convoy.
Sa impormasyon naman mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sinasabing si Mayor Navarro ang lider ng Alferez Robbery Group na nakabase sa Ozamis City.
Ang Alferez Robbery Group ang itinuturong nasa likod ng panloloob sa J Centre Mall sa Mandaue City noong nakaraang sabado (Oct. 19).
Si Navarro ay kasama sa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte at iniuugnay sa Parojinog Drug Group sa Ozamis City.