Secretary General ng CBCP kabilang sa mga nasugatan sa bus accident sa Egypt
Kabilang ang Secretary General ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na si Fr. Marvin S. Mejia sa mga nasugatan sa malagim na bus accident sa Mt. Sinai, Egypt.
Ito ang inihayag ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles sa isang liham na ibinahagi ni CBCP Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Nananawagan si Valles ng panalangin para sa agarang paggaling ni Mejia at ng mga nasaktan sa aksidente.
Ayon sa arsobispo, kasama ang pari sa grupong nagsasagawa lang sana ng pilgrimage tour sa Egypt.
Tiniyak naman ni Valles na nagbigay na ng tulong ang Apostolic Nunciature sa Cairo, Egypt sa mga nasugatan sa aksidente sa pangunguna ng isa pang paring Filipino na mula Cebu.
Samantala, sa isang update sinabi ni David na ligtas na sa panganib si Mejia at nagapahinga na ito sa isang hotel.
Ang iba pang mga nasugatan ay patuloy na ginagamot sa Sharm El Sheikh International Hospital at South Sinai Hospital.
Una nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 13 Filipino ang nasugatan sa aksidente.
Naganap ang aksidente matapos bisitahin ng grupo ang St. Catherine’s Monastery na nasa paanan ng Mt. Sinai.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.