Hirit ni SolGen Calida na pigilan ang imbestigasyon ng Senado sa kaniyang security agency, ibinasura ng SC 

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Solicitor General Jose Calida at kaniyang pamilya na humihiling na harangin ang pag-iimbestiga ng Senado sa mga kontratang pinasok ng kanilang security agency sa mga ahensya ng gobyerno.

Sa siyam na pahinang resolusyon ng SC idineklarang moot and academic na ang petisyon dahil nagsara na ang 17th Congress noong June 4, 2019.

Ayon sa resolusyon, sa pagtatapos ng 17th Congress, otomatiko na ring nabalewala ang panukalang Senate Investigation Resolution No. 760.

Maliban dito, ang senador na humirit ng imbestigasyon na si dating Senator Antonio Trillanes IV ay tapos na ang termino at wala na sa pwesto.

Una nang kinuwestiyon ni Calida at ng kanyang pamilya ang naturang resolusyon dahil wala umano itong intensyon na magkaroon ng “legislation”.

Sinabi ni Calida na layunin lamang ng resolusyon na imbestigahan ang conflict of interest sa pag-award ng government contracts sa Vigilant Investigative and Security Agency Inc.

Ang naturang kumpanya ay pag-aari ng pamilya Calida.

Read more...