PNP magpapakalat ng mahigit 35,000 na pulis para sa Undas 2019

INQUIRER FILE PHOTO | EDWIN BACASMAS
Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 35,000 pulis sa buong bansa para sa nalalapit na Undas.

Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na magtatalaga ang kanilang hanay ng dagdag-seguridad sa bawat paliparan, pantalan at bus terminal para sa mga bibiyahe pauwi sa iba’t ibang lalawigan.

Simula aniya ngayong araw ng Biyernes, magiging mahigpit ang pagbabantay ng PNP hanggang sa pagtatapos ng Undas.

Maliban sa nasabing bilang ng mga pulis, magpapakalat din aniya ng karagdagang 99,716 na volunteers para matiyak na magiging maayos ang biyahe ng mga Filipino ngayong Undas.

Kasunod nito, pinayuhan ng opisyal ang mga bibiyahe na agahan ang pagpunta sa mga paliparan, pantalan at bus terminal dahil sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko at mahabang pila.

Read more...