Kontrobersiyal na ‘Papal portrait’ ni Pope Benedict XVI, isasapubliko
Inaasahang lilikha ng ingay sa social media ang plano ng Milwaukee Museum na isapubliko ang isang malaking portrait ni Pope Benedict XVI na gawa sa mga makukulay na condom.
Sinabi ni Museum Director Dan Kaegan na ngayon pa lamang ay tumatanggap na sila ng kabi-kabilang papuri at pananakot makaraan nilang sabihin na ipapakita nila sa publiko ang naturang obra na gawa ng artist na si Niki Johnson halos dalawang taon na ang nakalilipas.
Ginawa ni Johnson ang naturang Papal portrait gamit ang halos labing-pitong libong iba’t-ibang kulay ng condom para ipakita ang pagbatikos kay Pope Benedict XVI lalo na sa kanyang kampanya noon kontra sa paggamit ng condom bilang proteksyon sa sakit.
Sa kanyang blog, tinatawag ni Milwaukee Catholic Archbishop Jerome Listecki na isang uri ng pambabastos sa simbahan ang naturang condom portrait ni Pope Benedict XVI.
Nanawagan din sa publiko ang naturang lider ng Simbahang Katolika na huwag tangkilikin ang nasabing obra na nakatakdang i-exhibit sa Milwaukee museum sa Nobyembre.
Bukod sa away sa social media ay baka pagmulan din daw ito ng gulo sa pagitan ng iba’t-ibang relihiyon dahil sa kontrobersiya na dulot ng naturang obra./ Den Macaranas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.