CHR iimbestigahan ang pagkamatay ng mga suspects na nasa police custody

Magsasagawa nang hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) ukol sa tumataas na bilang ng mga bilanggo na namamatay sa kustodiya ng pulisya.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia na nakaaalarma ang iniulat ng Philippine National Police Internal Affairs Service (PNP-IAS) na mahigit-kumulang 450 preso na ang nasasawi sa kustodiya ng pulisya simula July 2016.

Aniya, ang magiging congested pa lamang ng mga kulungan ay isa nang paglabag sa karapatan ng mga person deprived of liberty (PDL) dahil nagreresulta ito sa pagkakaroon ng health problems na kung minsan ay nauuwi pa sa pagkamatay.

Sinabi ni de Guia na dapat itrato ang mga preso nang mayroong buong respeto at dignidad bilang isang tao.

Nauunawaan aniya ng CHR ang pagpapatupad ng mas mahigpit na security measures ng law enforcement agencies para maiwasan ang pagpasok ng anumang uri ng kontrabando o ilegal na aktibidad sa mga kulungan.

Ngunit, hindi aniya ito rason para magkaroon ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa loob ng mga piitan.

Welcome naman aniya sa CHR ang inisyatibo ng PNP-IAS na magsagawa ng imbestigasyon para alamin ang sanhi ng pagkasawi ng mga preso.

Titignan ng PNP-IAS kung nagkaroon ng paglabag o iregularidad sa panig mga otoridad.

Oras na mapatunayang guilty, magsasampa aniya ng kasong kriminal at administratibo para mabigyan ng hustisya ang mga naulilang pamilya ng mga preso.

 

Read more...