Arestado ang dalawang Chinese Nationals sa isinagawang drug buy-bust operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO) – Regional Anti-Illegal Drugs -Special Operations Task Group sa Quezon City.
Isinagawa ang buy-bust operation sa parking lot ng isang condotel sa Magsaysay Blvd. kanto ng Araneta Avenue sa Quezon City.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Geng Qing Chuan, 35 anyos at Xiangfan Yao, 28 anyos na kapwa residente ng Binondo, Maynila.
Ayon Kay NCRPO Chief, Director Joel Pagdilao, 30 kilo ng high grade shabu ang nakuha nila sa mga suspek.
Tinatayang may street value na P150 million ang nasabat na mga shabu.
Sinabi ni Pagdilao na nakita ang mga droga sa loob ng Toyota Innova na kulay gray at may plate number na TWQ 280 na gamit ng mga suspek.
Inaalam na rin ng pulisya kung may kaugnayan ang dalawang Chinese sa dalawang Filipino – Chinese na naaresto naman kahapon sa Brgy. Lawang-Bato, Valenzuela City.
Sa nasabing operasyon kahapon sa Valenzuela, umabot sa 36 na kilo ng shabu ang narecover ng mga otoridad na nagkakahalaga ng P180 million.
Kasong paglabag sa section 5 in relation to section 26 ng Republic Act 9165 ang isasampa laban sa mga naarestong suspek.